ni Roldan Castro
INIINTRIGA ang pagiging magkaibigan nina Regine Velasquez-Alcasid at ang dating misis ni Ogie na si Michelle Van Eimeren.Nagpaplastikan lang umano ang dalawa.
“Eh, ‘di okey lang! Ang galing naman nilang artista. Umiiyak-iyak pa!,” reaksiyon ni Ogie nang tanungin siya.
“Hindi na namin pinapapansin. Sadyang sa buhay may ganoon, ‘di ba? Eh, ‘di okey na rin. Sanay na ako sa ganyan. Hindi naman pumapatol si Regine!” bulalas pa niya.
Samantala, nilinaw din ni Ogie na hindi niya iniwanan ang kanyang talent manager na si Leo Dominguez kahit may bagong tatag siyang talent management agency.
“Malinaw po na si Leo Dominguez ang manager ko. Hindi po makikialam ang A Team sa career ko. Ang pakikialamanan namin, ‘yung career ng mga talent namin,” deklara pa niya.