KALABOSO ang isang 40-anyos lalaki makaraan ituro ng 10-anyos kambal na neneng na gumahasa sa kanila sa loob ng tatlong taon sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Ronaldo Magno, jeepney driver, residente ng 2139 Elias St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa kanilang reklamo sa Women and Children Protection Unit, itinuro ng mga biktimang sina Nena at Ninay, ang suspek na live-in partner ng kanilang tiyahin, na siyang gumahasa sa kanila sa maraming pagkakataon.
Kasama ng mga biktima ang kanilang amang taxi driver, ang lola at isa pa nilang tiyahin, nang magsampa ng reklamo.
Ayon sa ama ng bata, kamakailan lamang niya nalaman sa mga anak ang insidente dahil matagal na inilihim ng mga biktima, ng kanilang lola at tiyahin sa takot na magpakamatay ang misis ng suspek.
“Natakot ako na baka kung ano ang mangyari kasi no’ng nalaman ko noong isang taon pa, isinumbong ko na sa anak kong babae (asawa ng suspek), nagmakaawa na huwag ipahuli ‘yung kinakasama niya kasi magpapakamatay siya. Iinom daw siya ng silver cleaner,” ayon sa lola ng dalawang biktima.
Nabatid sa ama ng bata na noong nalaman niya ay nakapagtago na ang bayaw na suspek kaya hindi niya naipadakip agad.
Sa reklamo, noong bus driver pa ang suspek, tatlong taon na ang nakalilipas, isinasama ng salarin si Nena sa pamamasada at sa terminal ng bus ginawa ng suspek ang kahalayan.
“Nagtaka kami kasi n’ung umuwi ‘yung apo ko dumudugo ‘yung ari niya, ‘e di naman nagsinungaling, sinabi niya na inano daw siya, “ pahayag ng lola.
Noong lumipat anila ng bahay ang pamilya ng mga biktima, sinundan sila ng suspek at kapag madaling araw na wala ang ama ay pinapatungan sila ng suspek.
Pabaya anila ang ina ng mga bata na palaging wala sa bahay sa hindi ipinaliwanag na dahilan.
Paminsan-minsan ay parehong dinaraanan ng suspek ang kambal upang isama sa pamamasada at doon nagkakaroon ng pagkakataon na pareho silang gahasain.
Napag-alaman, mula nang mabunyag ang pangyayari ay hindi na nakapag-aral ang dalawa dahil sa mga pagbabanta ng suspek na papatayin niya ang pamilya ng biktima.
“Natatakot kami kung pakakawalan pa siya (suspek) ng mga pulis kasi sabi nila matagal na ang pangyayari at maipa-file lang ang kaso pero hangga’t walang warrant of arrest makalalaya pa. Paano kung ituloy niya, may patayin sa amin bago pa yung warrant of arrest?” ayon sa ama ng mga biktima.
Leonard Basilio