ni Tracy Cabrera
IPINAGDIWANG ang Hungry Ghost festival sa Hong Kong sa kakaibang paraan ngayong taon—isinagawa ang binansagang Ghost Fashion Show para alalahanin ang mga espirito ng mga yumaong kamag-anakan.
Sa tradsiyon ng taunang Hungry Ghost festival ng China, ginaganap sa araw kung kailan pinaniniwalaang nakabukas ang tina-guriang ‘gates of hell’ para makapasok sa mundo ng realidad ang mga multo at iba pang espirito.
Sa pagdiriwang nito, nagsagawa ang isang youth opera troupe ng kakaibang entertainment hindi lamang para sa mga residente ng Hong Kong kundi maging ang mga dinadalaw na multo, pahayag ni Wang Yaobo na lider ng pangkat.
“Ito ay para sa mga tao at multo. Alam ng mga multo ang tungkol sa kapistahan kaya pumupunta sila at nanonood ng palatuntunan. At nanonood din naman ang mga tao.”
Sa kabila ng pagbibigay ng mga alay, hindi tanggap ang pakikipag-usap nang direkta sa mga multo. Pero hindi para sa grupo ni Yaobo, na humamon sa taboo sa pamamagitan ng pagtatang-hal ng nasabing funeral fashion show.
Ipinaliwanag ng organizer nito na si Catherine Lui “Nais kong bigyan ang iba ng bagong anggulo. O kaya’y magawang ma-involve ang kabataan sa tradsiyong ito.”
Ang kalahating oras na fashion show na may layu-ning makapagbigay ng saya sa kapistahan, ay gumugol ng tatlong buwan para ma-organisa sa halagang US$130000.