NABULABOG ang Korte Suprema kahapon nang mag-walk-out ang mga empleyado upang ipanawagan ang national minimum wage na P16,000 at patuloy na kontrahin ang pagpataw ng buwis sa bonuses at allowances nila.
Eksaktong 12 p.m. nang-magwalk-out ang grupo mula sa kanilang opisina sa Padre Faura, Maynila, at bumalik bandang 12:30 p.m.
Ayon kay Jojo Guerrero, pangulo ng SC Employees Association (SCEA), nais lamang nilang magbigay na ng komento ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay ng petisyon laban sa implementasyon ng BIR Revenue Memorandum Order (RMO) No. 23-2014 na nagpapataw ng buwis sa mga benepisyo ng mga empleyado sa gobyerno partikular ang kanilang bonuses at allowances.
Nabatid na apat beses nang humingi ng extension ang BIR upang magbigay ng komento sa naturang petisyon.
Giit ni Guerrero, kung may basehan talaga ang BIR sa naturang RMO ay bakit nade-delay ang komento ng ahensiya.
Ikinalungkot ng grupo ang napakaliit lamang na bonus na nagkakahalaga ng P9,000 ngunit nais pang bawasan ng buwis ng BIR.