ni Ed de Leon
MARAMING usap-usapan ngayon sa biglang pag-amin ni Cristine Reyes na siya nga ay limang buwang buntis na, at ang ama ng kanyang magiging anak ay ang kanyang boyfriend, ang model at mixed martial arts practitioner na si Ali Khatibi. Kahit na nga ang balak nila ay pakasal na pagkatapos na makapanganak si Cristine, ang dalawa naman daw ay sumasailalim na sa marriage counseling ngayon pa lang.
Bakit mahalaga iyang marriage counseling?
Marami nga ang nagsasabi na iyan ang susi sa habambuhay at magandang pagsasama ng mga tao. Hindi kagaya noong araw na mahaba ang ligawan, at may panahon pa ng paninilbihan ng isang lalaki sa pamilya ng babae, ngayon ay iba na ang takbo ng panahon. Parang mas madaling ma-realize ng mga tao ngayon na sila nga ay in love na sa isa’t isa. Pero dahil madalian nga, may mga bagay na hindi nila napag-uusapan at posibleng pagmulan ng hindi nila pagkakasundo. Kaya mahalaga iyang counselling kasi nga nabubuksan ang lahat ng possibility at napag-uusapan nila bago sila pakasal.
Kung balak man nilang pakasal na matapos na manganak si Cristine, na hindi na iyong usual case, dahil dito sa atin basta nabuntis ipakakasal na agad. Hindi mo naman masasabing mali iyon dahil nasa kanila ang intention na magpakasal at gawing pormal ang kanilang pagsasama. Hindi rin naman maikakaila na ang pagpapakasal ay nakapagdudulot ng stress sa mga ikakasal, kahit na hindi pa sila ang mismong magtrabaho ng preparasyon, at iyang stress ay isa sa mga bagay na pinaiiwasan ng doctor kay Cristine. Tama lang siguro na hintayin na lang nilang makapanganak siya.
Ang nakatatawa nga lang, pati ang kapatid niyang si Ara Mina ay ayaw tantanan ng mga basher dahil nag-deny din daw iyon na buntis si Cristine. Ang paliwanag naman ni Ara roon, hindi pa niya alam na buntis nga si Cristine noong panahong tinatanong siya, at saka bakit nga naman siya ang sasagot? Dapat talaga manggaling iyon mismo kay Cristine. Buntis din si Ara ngayon at malapit nang manganak.