ARESTADO ang 18 katao, karamihan ay senior citizens, sa pamemeke ng papeles para makahingi ng tulong pinansiyal sa DSWD sa Laguna.
Muntik pang makalusot ang 18 at matangay ang perang nakalaan para sa mga lehitimong taga-Laguna ngunit kinutuban ang mga tauhan ng DSWD sa Sta. Cruz at naitimbre sa mga pulis.
Modus operandi ng grupo ang mameke ng mga papeles at saka magtutungo sa mga opisina ng DSWD sa iba’t ibang probinsya para humingi ng tulong pinansiyal.
Sa 18 naaresto, wala ni isa ang taga-Laguna, karamihan sa kanila ay taga-Maynila at taga-Cavite. Karamihan din sa kanila ang mga senior citizen na.
Sa kwento ng 66-anyos lolang naaresto, may naghanda na ng mga pekeng papeles para palabasing residente sila ng Laguna maging ang kanilang medical abstract, at kadalasang dahilan ng kanilang paghingi ng tulong ang pagkakaroon nila ng sakit.
Pagkatapos ng kanilang interview sa DSWD, bibigyan na sila ng tseke. Iba-iba ang halaga nito ngunit naglalaro sa P20,000.
Ang kalahati ay mapupunta sa senior citizen habang ang kalahatiay mapupunta sa dalawang itinuturong mga utak talaga ng modus operandi na sina Corazon Ranchez at Rolando Lacadman.
Lumalabas na matagal nang gawain ito nina Ranchez at Lacadman dahil iba-ibang provincial DSWD na ang kanilang nabiktima.
Kung natuloy ang panloloko sa DSWD-Laguna, naglalaro sa P360,000 ang kanilang matatangay sa pondo na dapat ay para sa mga nangangailangang taga-Laguna.
Sila ay nahaharap sa kasong attempted estafa through falsification of public documents.