ni ED DE LEON
NAKITA namin sa internet ang isang short trailer ng pelikula tungkol sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio. Bale ang story teller pala nila ay si Daniel Padilla. Sa ikli ng trailer na nakita namin, hindi namin ma-figure kung ano nga ang kanilang kuwento.
Marami nang nagawang pelikula tungkol kay Andres Bonifacio. Marami na kaming napanood, pero hindi kami kuntento sa kanilang mga kuwento. Iyong mga nauna,base sa mga karaniwang history books na tumigil ang kuwento dahil ayaw nilang talakayin kung paano namatay si Bonifacio. Mayroon namang tumalakay sa mismong paglilitis at pagkamatay ni Bonifacio, pero malayo pa rin sa tunay na records ng mga totoong nangyari.
Ewan namin itong bagong pelikula tungkol kay Bonifacio. Malawak kasi ang aming research tungkol sa “Bayani ng Maynila”. Hindi rin naman namin natandaan na nagkaroon ng claims maging si Bonifacio mismo na siya ay presidente ng Pilipinas, dahil wala pa namang bansa noon. Kaya nga sinasabi rin naming bogus ang pagiging presidente ni Aguinaldo, dahil wala namang legal na gobyerno ang Pilipinas noon. Hindi nga sila nakapasok sa Maynila eh. Hanggang Kawit, Cavite lang ang republika ni Aguinaldo. Tapos nagtago na siya sa kung saan-saang bundok. Nasaan ang republika kung ganoon?
Minsan, nakatutuwa na may nagtatangka ngang gumawa ng pelikula tungkol sa kasaysayan at sa kabayanihan ng mga Filipino. Mayroon din namang ginagawang bayani ang mga palpak na Filipino. Iyang si Bonifacio, tunay na bayani iyan. Sana naisalin nga sa pelikula ang tunay niyang kasaysayan.