DALAWANG milyong pisong halaga ng shabu ang nakompiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagsalakay sa isang bahay ng drug pusher sa lalawigan ng Albay, iniulat kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., ang 400 gramo ng shabu na nakalagay sa dalawang transparent plastic sachets ay nakompika kay Romeo Nosares, Sr., alyas Buwaya, 61, ng Basud, Brgy. San Rafael, Guinobatan, Albay.
Sinalakay dakong 2:30 a.m. kamakalawa ng tropa ng PDEA Regional Office 5 (PDEA RO5) Albay Provincial Office sa bisa ng search warrant na inisyu ni Honorable Alben Casimiro Rabe, Executive Judge ng RTC Branch 15, Tabaco City, Albay, ang bahay ni Nosares.
Kabilang sa nasamsam mula kay Nosares ang isang notebook at 13 pahina ng papel na nakalista ang hinihinalang illegal drug transactions.
Si Nosares, nakapiit sa PDEA RO 5, ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Almar Danguilan