HINATULAN ng korte sa Brazil ang tatlong pinaniniwalaang cannibal ng 20 hanggang 23 taong pagkabilanggo matapos mapatunayang guilty sa pagpatay sa dalawang kababaihan at ginawang mga empanada para kainin at ibenta.
Inamin ang krimen ng tatlong cannibal na sina Jorge Batrao Negromonte da Silveira, kanyang maybahay na si Cristina Pires at kalaguyong si Bruna Cistina Oliveira da Silva nang sila’y maaresto ng mga awtoridad noong Agosto 2012.
Noong panahong iyon, sinabi ng tatlo na miyembro sila ng isang sekta na ang itinuturo sa mga tagasunod ay puri-pikasyon ng mundo at pagbawas sa po-pulasyon ng tao. Ang pagkain ng laman ng kanilang mga biktima ay bahagi umano ng proseso ng paglilinis.
Sinabi nila, nagawa nilang himukin ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pangakong magkakatrabaho bilang babysitter sa kanilang tahanan.
Pinatay nila ang dalawang babae saka kinain ang ilang parte ng mga katawan bago ang natirang laman ay ginawa nilang palaman sa empanada. Matapos lutuin, kinain ng tatlo ang ilan sa mga empanada kasama ang isang batang naninirahan sa kanilang bahay habang ang iba nama’y ibinenta sa kanilang mga kapitbahay.
Ang labi ng mga biktima ay natagpuan ng pulisya sa likuran ng kanilang bahay. Ang isa ay kinilalang si Jessica Camila da Silva Pereira.
Kinalap ni Tracy Cabrera