ANG galing ni Nash Aguas dahil nakakuha ng 27.2% ang pilot episode ng Bagito noong Lunes kaya ang buong Dreamscape Entertainmentunit ni Deo T. Endrinal ay nagbubunyi.
Sa ginanap na presscon ng Bagito noong Linggo, Nobyembre 16 sa 9501 Restaurant ay sobrang nagpapasalamat si Nash kay sir Deo, “sa tagal ko na pong artista sa ABS-CBN, ngayon ko lang po naranasan maging bida, ang tagal ko pong hinintay at sobrang saya ko po.
“Bata pa lang po ako, gusto ko na ‘yon. Akala ko sobrang dali lang, pero now na-realize ko na sobrang dami palang responsibilities na ibinibigay.
“Sobrang pressured po ako, pero natutuwa naman po ako na nagustuhan ninyo,” nakangiting sabi ng binatilyo.
Nagkatanungan nga sa eksenang nakahiga sina Nash at Ella Cruz sa kuwarto na may nangyari sa kanila at iisa ang tanong ng mga katoto, “posible bang makabuntis ang hindi pa tuli?”
Kaagad namang sinagot ng broadsheet entertainment editor na si Ms Gie Trillana ng, “oo naman, wala namang kinalaman kung tuli ka na o hindi pa, as long as may lumalabas na sperm cell.”
Hindi kaya ang dapat na tanong ay, ‘posible bang mabuntis ang babae ng hindi pa nagkakaroon ng menstruation?’ (Eh, mas madali ‘yang sagutin, hindi mabubuntis ang babae kung hindi pa nagkakaroon ng menstruation—ED).
Samantala, tinanong si Nash kung bakit niya tinanggap ang papel na batang ama dahil baka makaapekto ito sa kanya bilang binatilyo dahil maski na trabaho lang ito ay hindi pa rin mawawala sa isip niya na posibleng mangyari sa kanya ito.
”Noong una po, nagulat po ako kasi 13, ‘di ba? Pero noong in-explain po nila sa akin, mayroon po silang ipinakita sa akin na 13 years old nagkaanak.
”Parang sa akin, 16 na naman ako, talaga pong nangyayari na ‘to sa totoong buhay. Alangan naman pong tanggihan ko, marami po kaming matutulungan kapag ginawa namin itong teleserye dahil marami pong magiging aware sa problem,” paliwanag ng batang aktor.
At nang mapanood na raw nila ng ka-loveteam niyang si Alexa Ilacad ang trailer ng Bagito, “noong una po, kinabahan po kami dahil sensitibo ‘yung teleserye. Pero noong ipinalabas ‘yung trailer, nakita po namin ‘yung mga tweet ng fans namin, ng mga taong sumusuporta.
“Hindi na po sila ‘yung tao noong sinaunang panahon. Parang ngayon, mas open-minded na po sila. Alam naman po nila na ginawa itong teleserye para maging aware ang mga tao, hindi para i-encourage ang mga tao na gawin ‘yon,” katwiran ng binatilyo.
ni Reggee Bonoan