IBINIDA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang aniya’y nagawang mga reporma sa Department of National Defense (DND) kasabay ng ika-75 anibersaryo ng ahensiya.
Sinabi ni Pangulong Aquino, ibang-iba na ang kalagayan ng mga sundalo ngayon, gayondin ang mga nasa hanay ng DND.
Ayon kay Pangulong Aquino, nagpapatuloy ang modernisasyon ng AFP at may dalawang Hamilton class cutter na ang Philippine Navy habang paparating pa ang isa.
Ang fighter jets mula sa South Korea at Coast Guard ship mula Japan ay paparating na rin.
Hindi na rin aniya “kawawang cowboy” ang mga sundalo dahil bukod sa modernong mga armas at kagamitan ay pinagkakalooban din sila ng disenteng pabahay.
“Tapos na ang panahon kung kailan ang nagmamalasakit sa taumbayan ay sila pa’ng naaapi at kinakalimutan. Ngayon, kung paanong inaaruga ninyo ang mamamayan, sinusuklian na ito ng karampatang pagkalinga ng gobyerno. Habang tinututukan naman natin ang inyong kapakanan, tumataas din ang inaasahan natin sa inyong serbisyo. Makakaasa naman kayong sa pagpapakitang-gilas ninyo, lalo ring ginaganahan ang inyong liderato na tulungan kayong lampasan ang mga hamon ng inyong misyon, at maging ang inyong pang-araw-araw na pangangaila-ngan,” ani Pangulong Aquino.