TILA domino na bumagsak ang 16 poste ng Manila Electric Company (MERALCO) nang mabangga ng isang dump truck ang isa nito na nagdulot nang matinding pagbagal ng daloy ng mga sasakyan at dahilan ng pagkaputol ng supply ng koryente sa Taguig City kahapon ng umaga.
Sa monitoring ng Metrobase ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dakong 8:24 a.m. nang mangyari ang insidente sa East Service Road, Brgy. Bicutan, bahagi ng FTI at PNR Site sa naturang lungsod.
Base sa ulat ng MMDA, binabagtas ng dump truck ang naturang lugar patungong C-6 nang biglang sumabog ang gulong nito.
Nawala sa kontrol ang truck at bumangga sa isang poste ng Meralco na nag-domino effect sa 15 pang poste.
Bunsod nito, nag-brownout sa malaking bahagi ng Brgy. Bicutan.
Dinala sa Taguig City Traffic Sector ang driver ng dump truck para im-bestigahan.
Ngunit nakatakas ang driver ng dump truck na hindi nakuha ang pa-ngalan nang magpaalam upang kumain pero hindi na bumalik at hindi na rin nakita sa itinurong restaurant. (JAJA GARCIA)
Jaja Garcia