ANG pagiging gahaman umano ng nagmamay-ari ng illegal gold mine sa Maharalika Highway, Barangay Caggay, Tuguegarao City, sa ginto at sa kuwarta ay kitang-kita kung paano niya itrato ang kanyang mga tauhan.
Dalawang taon na ang nakararaan, Apat na tauhan ni Mr. Pobre ang natabunan ng lupa nang gumuho ang nasabing illegal mining.
Patay ang tatlong tauhan niya na sina Albert at Edward Asuncion, mag-ama; at Bernard Binoya, pawang residente sa Lasam, Cagayan.
Mabuti na lamang at nakaligtas ‘yung isa.
Pero ang nakaririmarim sa pagiging hidhid sa kuwarta at ginto ay ‘yung inabot pa ng tatlong araw bago nahukay ang bangkay ng tatlo.
At nang mahukay at ibinurol, wala man lang nakuha ni kusing ang pamilya nina Asuncion at Binoya. Mag-ama pa naman ‘yung dalawa.
Sumulat rin ang pamilya ng mga biktima sa Commission on Human Rights (CHR) pero mukhang wala sa panlasa ni Madam Etta Rosales ang ganitong mga kaso kaya wala na rin silang nabalitaan kung ano na ang nangyari sa kanilang reklamo.
Ibig sabihin ang inaasam na hustisya ng pamilya Asuncion at pamilya Binoya ay kasabay na rin nabubulok ng labi ng kanilang mga kaanak.
Kung ‘yung mga labi ay nabubulok, anim na talampakan sa ilalim ng lupa, ‘yung kasong inihain nila ay nabubulok sa mga ahensiya ng pamahalaan kabilang na sa CHR at Department of Natural Resources (DENR).
By the way, Secretary Ramon Paje, talaga bang paje-hirapan mo lang ang sambayanan mula nang maupo ka riyan sa DENR?!
Hanggang ngayon ba ay wala ka pa rin aksyon laban d’yan sa illegal gold mine na nasa Maharlika Highway, Brgy. Caggay, Tuguegarao City?!
Aba, isa kang PAJE-RAP na tunay!