ni Ed de Leon
SIGURO nga kailangan tumigil na tayo sa kuwento roon sa katotohanang alam nating happy sa kanyang buhay ngayon si Ai Ai delas Alas. Pinapasaya rin naman tayo ni AiAi, kaya nga tinawag siyang “comedy queen”, siguro huwag na natin siyang pakialaman at hayaan na natin siya sa kanyang kasiyahan.
Kung iisipin mo, wala namang inililihim si AiAi sa kanyang buhay, lahat ay alam naman ng publiko. Iyong buhay niya ay ibinahagi na niya sa publiko. Ngayon hindi naman niya inilihim na may boyfriend siya. Hindi rin naman niya inilihim kung sino. Hindi rin naman niya inilihim na iyon ay mas bata kaysa kanya ng tatlong dekada. Ano pa ang kailangan nilang kalkalin?
Sa tingin naming, ayos lang naman iyong request niya na huwag na iyon ang pag-usapan noong press conference nila ng pelikula nilang Past Tense. In the first place ang usapan nga namang iyon ay para sa promo ng pelikula. Bukod kay AiAi, naroroon din naman sina Kim Chiu at Xian Lim. Kung pumayag si AiAi na mapag-usapan ang kanyang lovelife, mababanggit pa kaya ang pelikula? Kung mangyayari iyon, magkakaroon pa kaya ng publisidad sina Xian at Kim? Siyempre ang mapag-uusapan na lamang ay si AiAi at ang kanyang boyfriend. Kawawa naman iyong pelikulang nagpa-presscon.
Minsan kailangan din naman nating intindihin kung bakit umiiwas ang mga artista sa mga ganyang tanong. Siguro ok lang iyan sa mga intimate interview, kung kilala nila at pinagtitiwalaan nila ang lahat ng kanilang kaharap. Sa isang presscon, ni hindi mo alam kung lahat ng mga iyon ay kakampi mo o may naghihintay lang doon na magkamali ka ng sagot.
Kaya kailangan ingat ka rin naman sa kung ano ang sasabihin mo, dahil maaari iyong mabigyan ng ibang kahulugan. Delikado rin.