ITINANGGI ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na may banta ng tsunami sa alin mang bahagi ng Filipinas kasunod ng magnitude 7.1 lindol na tumama sa Indonesia.
Bago ito, mismong ang Phivolcs ang nagbalita ng tsunami warning na itinaas ng Pacific Tsunami Warning Center kaya pinayuhan ang mga nakatira sa eastern seabord ng bansa partikular sa Mindanao, na lumayo mula sa baybaying dagat.
Ngunit sa panayam kay Phivolcs Director Renato Solidum, sinabi niyang walang banta ng tsunami sa Filipinas bagama’t naramdaman ang pagyanig sa ilang bahagi ng bansa.
“‘Yun pong lindol sa Indonesia ay hindi nakapagdulot ng ano mang pagbabago sa antas ng tubig sa dalampasigan ng Filipinas at wala kaming inaasahang ano mang significant na tsunami,” sabi ni Solidum.
“Officially nagdeklara na tayo: there’s no tsunami threat sa Philippines.”
Dakong 10:32 a.m. (oras sa Filipinas) nang tumama sa Halmahera, Indonesia ang magnitude 7.1 na lindol na may lalim na 40 kilometro.
“Based on forecast wave heights and absence of unusual waves from sea-level data recorded by the Davao tide gauge station, there is no Pacific-wide destructive tsunami that is generated by the earthquake,” sabi sa bulletin na ipinalabas ng Phivolcs.