NEGATIBO sa Ebola virus ang Filipino peacekeeper galing Liberia na nagkaroon ng lagnat habang naka-quarantine sa Caballo island.
Sinabi ni Health Acting Secretary Janette Garin, nagpositibo sa malaria ang nasabing peacekeeper.
Tiniyak ni Garin, masusi ang ginawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) upang matiyak kung ano ang sakit ng peacekeeper at wala siyang Ebola virus.
Sa ngayon ayon kay Garin, gagamutin sa loob ng isang linggo ang naturang sundalo bago ibalik sa Caballo island upang ituloy ang quarantine.
Hindi pa malinaw kung saan nakuha ng peacekeeper ang malaria at ayon sa DoH posibleng sa Liberia pa.
Nabatid na dati na ring nagkaroon ng malaria ang nasabing peacekeeper.
–