TATANGGALIN na rin sa wakas sa Rotonda ng Andrews Ave., ang Circulo del Mundo na nagkakahalaga ng P50 hanggang P100 milyon para sa pagluwag ng trapiko sa Nichols area sa Pasay City.
Ang Circulo del Mundo po ay ‘yung architectural design na nasa Rotonda malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ipinagawa ito noong nakaraang administrasyon at sinabing nag-ambag ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng halagang P40 milyones para sa katuparan nito.
Ayon kay MIAA General Manager Jose Angel Honrado, naniniwala ang Department of Public Highways and Development (DPWH) na ang nasabing architectural design ay isa sa mga sanhi ng traffic congestion sa nasabing area kaya mas makabubuti umano na ilipat na lang ito sa ibang lugar.
Bukod d’yan, ginagawa na ngayon ang Skyway na inaasahang matatapos na sa susunod na taon.
Ang Circulo del Mundo o Layag Islas, ay nagwaging disenyo ng mga architectural students na gustong gawing showcase ang Metro Manila bilang “window of the country to the world.”
Noong una, ang buong estruktura at ang kinalalagyan nito ay itinuturing na liwasan o parke ng ilang residente at estudyante malapit sa area.
Pero dahil hindi madalas napupuntahan kaya tinubuan lang ng talahib at binansagan na lang na ‘egg structure.’
Anyway, noong panahon pa lang ni GM Al Cusi ‘e binabatikos na natin ‘yan na dahilan ng matinding traffic sa lugar na ‘yan.
Ang laki kasi ng espasyong kinain, nawalan tuloy ng silbi ang road rewidening na ginawa sa area na ‘yan. Pero imbes ‘yung ‘architectural design’ ang matandaan sa nasabing area, mas tumanim sa madla ang Newport City na kinaroroonan ng Resorts World Manila.
Ang Andrews Ave., ay mas kilalang military area gaya rin ng McKinley sa Makati City. Hindi naman ito art center gaya sa Louvre ng Paris, France at Florence ng Italy. Kaya tingin natin ay hindi angkop na ibalandra ang isang likhang sining na bukod sa hindi mawawaan ng madla ay itinuring pang ‘gargantuan obstacle’ sa trapiko ng mga sasakyan.
Kaya naman maraming natutuwa sa desisyon ni GM Bodet Honrado na katigan ang mungkahi ng DPWH na ilipat ng pwesto ang milyones na architectural design.
Kung maililipat umano ito, maaaring madagdagan ng tatlo hanggang apat na lanes ang kalsada.
Mantakin n’yo nga naman inaabot ng 30 hanggang 40 minuto ang mga motorista sa paglabas at pagpasok sa NAIA terminal 3 mula sa Fort Bonifacio sa Makati gayon din ang mga nanggaga-ling sa Maynila.
GM Honrado Sir, isang malaking ginhawa ang ibinigay ninyo sa mga motorista …
Suportahan ‘ta ka, GM!