NAARESTO na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang trigger happy na dalawang nagtago sa imburnal ng isang kilalang subdivision na pumaslang sa salon manager at taxi driver nitong Miyerkoles sa Fairview.
Inihayag ni Sr. Supt. Joel D. Pagdilao, QCPD Director, ang pagkakadakip kay Larry Benuya, 38, ng Brgy. Minabuyok, Nueva Ecija sa isang pulong balitaan kahapon.
Ayon kay Pagdilao, si Benuya ay naaresto dakong 8:30 a.m. kahapon sa isang imburnal sa loob ng Casa Milan Subd., Brgy Greater Lagro.
Siya ay nadakip makaraan ipaalam ng mga guwardiya ng subdibisyon ang pagtatago sa imburnal sa loob ng dalawang araw.
Nang iharap sa mga saksi si Benuya, positibong itinuro na siya ang bumaril at pumatay sa salon manager na si Jake Gaspar nitong Miyerkoles (Nobyembre 12) sa loob ng salon sa No. 5 Crystal Building, Quirino Highway, Brgy. Pasong Putik, Quezon City.
Bukod kay Gaspar, positibo rin itinuro ng mga saksi si Benuya na bumaril at pumatay sa taxi driver na si Norberto Espiritu.
Narekober sa suspek ang isang magazine ng kalibre .45, cellphone, at limang empty shells ng kalibre 45.
Matatandaan nitong Miyerkoles, nagpapagupit sa parlor si Benuya nang dumating si Gasparna agad niyang binaril sa ulo.
Agad tumakas ang suspek at sumakay sa isang bus patungong SM Fairview pero bumaba rin paglampas ng ilang metro.
Kasunod nito hinarang ni Benuya ang isang taksing minamaneho ng biktimang si Espiritu para sumakay ngunit nang hindi pagbuksan agad binaril nang dalawang beses sa ulo ang driver.
(ALMAR DANGUILAN/JETHRO SINOCRUZ)