MINALIIT ng Palasyo ang inilunsad na ‘sit-down strike’ ng public school teachers para sa umento ng kanilang sahod kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, hindi pwedeng ang sektor lang ng mga guro sa pampublikong paaralan ang bibigyan ng dagdag na sahod o ituring na espesyal kompara sa ibang mga obrero sa gobyerno.
Dagdag niya, maliban sa ang pagtaas sa sweldo ng mga manggagawa sa gobyerno ay itinatakda ng batas, nakasaad din sa Saligang Batas ang equal protection.
“We’re all government employees. [Naka-]base tayo kasi sa Salary Standardization Law (SSL) e. There’s a Salary Standardization Law. We cannot naman… If we increase the salary of this sector, may tinatawag tayo sa Constitution na equal protection, so… At saka may… Ano ang classification bakit meron na ang guro but wala itong mga ibang workers ng sangay ng gobyerno or ibang ahensya ng gobyerno. So—kaya nga may tinatawag na salary standardization to ensure that everyone who are similarly situated will be similarly treated,” sabi ni Lacierda.
Bahala na aniya ang Kongreso kung mag-aakda ng panibagong Salary Standardization Law para sa wage hike ng mga empleyado ng gobyerno at pag-aaralan ng Palasyo kung may sapat na pondo para ipagkaloob ito.
Ang sit-down strike na pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) kahapon ay nilahukan ng 155,000 guro sa buong bansa.
Hinihiling ng mga guro na gawing P25,000 ang entry-level salary ng mga guro at P15,000 sa non-teaching personnel.
(ROSE NOVENARIO)