UMAASA si coach Joseller “Yeng” Guiao na magpapatuloy ang pag-akyat ng Rain or Shine sa standings sa kanilang salpukan ng Meralco Bolts sa PBA Philippine Cup mamayang 5 pm sa University of Southeastern Philippines gym sa Davao City.
Matapos na mapahiya kontra Talk N Text at matambakan, 99-76, nagbanta si Guiao na magsisimulang mag-trade ng mga manlalaro ang Rain or Shine kung hindi pa gaganda ang kanilang laro.
Dahil dito ay nagising ang Elasto Painters at nagposte ng back-to-back na panalo kontra sa Barako Bull (98-71) at Globalport (86-83) upang umangat sa 4-2.
Sa kabilang dako, ang Meralco, ay galing sa 80-72 pagkatalo sa Talk N Text at bumagsak sa 3-2.
Nagbida sa magkasunod na panalo ng Elasto Painters ang shooter na si Jeff Chan, miyembro ng Philippine team na pumampito sa basketball competition ng nakaraang Asian Games.
Laban sa Barako Bul kung saan nagtala siya ng 23 puntos. Gumawa siya ng 16 laban sa Globalport.
Bukod kay Chan, si Guiao ay sumasandig din kina Gabe Norwood, Beau Belga, JR Quinahan at Paul Lee.
Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni coach Norman Black, ay pinamumunuan din ng mga Asian Gamers na sina Gary David at Jared Dilinger na sinusuportahan nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan at Mike Cortez.
Balik sa Araneta Coliseum sa Quezon City ang mga laro bukas kung saan makakasama na ng Barako Bull si Dorian Pena sa salpukan nila ng Kia Sorento sa ganap na 3 pm. Ito ay susundan ng 5:15 pm duwelo ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra.
ni SABRINA PASCUA