INATASAN ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tutulan ang paggamit ng “moving advertisements” at imungkahing ipagbawal ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA.
Sa pulong ng mga opisyal ng PNP sa Camp Crame, ninais ni Roxas na ipagbawal ang paggamit ng ”moving ads” dahil nakadaragdag sa problema ng mabagal na trapiko sa Metro Manila.
“Hindi pinapayagan sa ibang bansa ang moving images malapit sa kalsada o sa kahabaan mismo ng kalsada, dahil nakaaagaw ito sa atensiyon sa trapiko at pagmamaneho,” paliwanag ng kalihim.
Halimbawa ng “moving ads” ang LED screens na makikita sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangunahing kalsada sa National Capital Region (NCR) at maging sa ilang pangunahing lalawigan.
Ginawa rin ni Roxas ang kautusan bilang pagpapalakas ng direktibang ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noon pang 2007 na nagtatakda ng implementing rules and regulations ng National Building Code. Sa ilalim ng batas na ito,” ang konstruksiyon ng signboards ay hindi dapat maging sanhi ng kalitohan o makagulo sa paningin ng mga motorista.”
“Nais natin itong gawin para sa higit na kaligtasan ng ating mga mamamayan,” pagtatapos ni Roxas.