NAKATITIYAK si Sen. Miriam Defensor-Santiago na kaya niyang talunin si Vice Pres. Jejomar Binay kung paglalabanan nila ang pagkapangulo sa 2016.
Sa isang panayam sa telebisyon kamakailan ay tinanong si Inday Miriam kung kakayanin niya si Binay at ito ang isinagot niya: “Oh yes, definitely. Sa atin, question lang ’yan kung meron kang pera.” Wala raw siyang kinatatakutan sa kahit sinong puwedeng maging kandidato sa 2016 at “kung bastusan, masasagot ko sila. English pa, ’yong kanila Tagalog lang.”
Ayon sa matapang na senadora ay hindi raw niya puwedeng balewalain ang isinisigaw ng maraming tao sa social media, na nag-uudyok sa kanyang tumakbo. May mga inaalala nga lang daw siya tulad halimbawa ng kalusugan, kaya kailangan niyang magpalakas ng katawan.
Kabilang sa mga plano niya kung mahahalal na pangulo ay tutukan ang panganib na sinusuong ng overseas Filipino workers (OFWs), na nagsasakripisyo sa abroad para sa pamilya.
Batid ng lahat na hindi matatawaran ang talino ni Miriam lalo na sa larangan ng batas.
Bukod sa dati itong hukom ay ilang puwesto na rin sa gobyerno ang nahawakan nito. Marami ang humahanga at rumerespeto kay Santiago at nadaragdagan ito sa araw-araw.
Kabaligtaran ito ni Binay na patuloy na nababawasan ng tagasuporta dahil sa pag-iwas ni-yang dumalo sa Senado para harapin ang mga isyung kinasasangkutan. Nadagdagan pa ang mga dismayado kay Binay nang maduwag ito at umatras sa sariling hamon na magdebate sila ni Sen. Antonio Trillanes.
Sabi nga nila, kung nasa panig mo ang katotohanan ay wala kang dapat katakutan. Pero kung marami ka talagang itinatago, hindi ka magpapakita kahit sa malayo.
Sa kasalukuyan na basang basa ang pangalan ni Binay at ng kanyang pamilya bunga ng iba’t ibang isyu ng katiwalian na nahalungkat at nag-lutangan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon subcommittee sa “overpriced” umanong pagpapatayo ng Makati City Hall parking building, mga mare at pare ko, ang puna ng iba ay baka ilampaso pa raw ito ni Miriam sa 2016.
Abangan!
***
LALO pang mamumroblema si Binay ngayong sinisiyasat na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga alegasyon ng korapsyon at ill-gotten wealth laban sa kanya.
Kabilang sa kanilang iniimbestigahan ang mga gusali na sinasabing overpriced at pinagkakitaan, at pati na ang malawak na lupain sa Batangas na binansagang “Hacienda Binay.”
Kung minamaliit man ni Binay ang pagdinig sa Senado kaugnay ng mga naturang isyu na “in aid of legislastion,” mga mare at pare ko, ang im-bestigasyon ng NBI ay hindi niya puwedeng isnabin o balewalain.
Tandaan!
***
SUMBONG: “Sir, gud pm. Dito sa amin sa Bagong Silang, Caloocan may nagdedeliver ng shabu. Kaya lang di ko maibigay ang number ng plaka ng motor kasi for registration, kahit luma na ang motor. Sana ma-surveillance ito, 6 pm yan nagdedeliver.”
Saan bang parte iyan ng Bagong Silang para maaksyunan ng ating mga pulis? Tumbukin!
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
ni Ruther D. Batuigas