LEGAZPI CITY – Muli nang binuksan ang klase sa 69 paaralan na nagsilbing pansamantalang tirahan ng 43,000 residenteng nakatira sa loob ng danger zones sa paligid ng Mayon Volcano.
Gayon man, siyam paaralan ang nanatiling sarado dahil naroroon pa rin ang 13,365 evacuees, na ang mga tirahan ay nasa loob ng 6-kilometer radius permanent danger zone (PDZ).
“Some of the schools opened last week, but most of them started normal classes this Monday,” pahayag ni Ramon Fiel Abcede, regional director ng Department of Education (DepEd). Binakante ng evacuees ang nasabing mga paaralan nitong nakaraang linggo.
Kabuuang 54,877 mga estudyante sa 78 public elementary at high schools sa mga bayan ng Camalig, Daraga at Guinobatan, at mga lungsod ng Ligao at Tabaco ang hindi nagamit ang kanilang mga silid-aralan mula noong Setyembre 15 dahil ginamit na pansamantalang tirahan ng evacuees makaraan itaas ng government volcanologists sa alert level 3 ang bulkan.
Sa halip, pansamantalang nagklase sa temporary learning facilities na itinayo ng DepEd sa 155 tents mula sa United Nations Children’s Fund, sa mga lugar na malayo sa danger zones.
Hindi pa ibinababa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang alert level makaraan may makitang mga senyales nang patuloy pang pag-aalburuto ng bulkan.
(ROWENA DELLOMAS-HUGO)