NALAPNOS ang katawan ng 11-anyos batang babae makaraan buhusan ng thinner at silaban ng ama habang natutulog sa kanilang bahay sa loob ng Manila South Cemetery sa Makati City.
Kwento ng pinsan ng biktima, bumisita ang bata sa amang nakatira sa loob ng sementeryo ngunit habang natutulog ay binuhusan siya ng thinner saka sinilaban.
Naapula ng pinsan ang apoy ngunit muling sinilaban ang biktima ng amang sinasabing lango sa droga.
Ayon kay Romeo Amar, security guard sa sementeryo, nagpaalam sa kanya ang ina ng paslit na pumasok sa sementeryo para sunduin ang bata ngunit hindi na niya nakitang lumabas.
Kinabukasan niya nalaman na nag-ober da bakod pala ang ginang para itakas ang anak na dinala sa ospital.
Nabatid na matagal nang hiwalay ang mga magulang ng biktima.
Kwento ng gwardiya, kilalang nagdodroga ang suspek na tagalinis sa sementeryo.
Batay sa referral sheet ng Ospital ng Makati, kung saan isinugod ang bata, maaaring binugbog din ang biktima.
Dumanas ng 2nd degree burn ang bata na balot ng gasa ang kaliwang paa hanggang singit maging ang magkabilang kamay. Idinardaing niya ang kirot nang matinding lapnos.
Samantala, mabilis na tumakas ang ama makaraan ang insidente.
ni JAJA GARCIA
MAG-UTOL NA PASLIT PATAY SA PASIG FIRE
PATAY ang magkapatid na paslit nang matupok ng apoy ang bahay ng pamilya Alvarez sa Brgy. Kalawaan, Pasig City kahapon.
Pagkalanghap ng usok ang ikinamatay ng 5-anyos na si Arlene at kapatid na si Richie Anne, 4.
Ayon sa Pasig City Fire Station, natagpuang wala nang buhay ang dalawang bata makaraan ang 15 minutong sunog.
Ayon kay Brgy. Kalawaan Sec. Lamberto Tuazon, nasa labas ng bahay ang ina ng mga biktima nang mangyari ang sunog.
Agad nilang naapula ang sunog dahil may sariling firetruck ang barangay.
Inaalam kung kandila o problema sa electrical wiring ang dahilan ng sunog.
P10-M THINNER, PINTURA NATUPOK SA VALENZUELA
AABOT sa mahigit P10 milyong halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy nang masunong ang isang warehouse kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.
Naabo ang malaking bahagi ng Marswin Marketing Inc., sa Pearl Island Phase II, Brgy. Punturin ng nasabing lungsod.
Kaugnay nito, agad sinuspendi ang klase sa katabi nitong Punturin Elementary School upang hindi madamay ang mga estudyante.
Batay sa ulat ni Supt. Mel Ilagan, hepe ng Valenzuela City Fire Department, umabot sa Task Force Alpha ang sunog na nagsimula dakong 3:00 a.m. ngunit naitawag sa kanila bandang 6 a.m. at naapula dakong 9 a.m.
PUSPUSAN ang pag-aapula ng apoy ng mga bombero sa nasusunog na imbakan ng mga pintura at iba pang mga kemikal sa Pearl Island Phase II, Brgy. Punturin, Valenzuela City. (RIC ROLDAN)
Natagalan sa pag-apula ng apoy ang mga bombero dahil maraming nakaimbak na pintura, thinner at mga kemikal sa loob ng warehouse.
Gayonman, walang naiulat na namatay o nasaktan sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid kung ano ang naging sanhi ng sunog.
(ROMMEL SALES)