AT home na nga si Joseph Yeo sa Barangay Ginebra.
Ito’y kitang-kita sa performance niya sa huling dalawang laro ng Gin Kings na napanalunan nila.
Nang tambakan nila ang defending champion Purefoods Star Hotshots noong Linggo ay si Yeo ang nagbida matapos na tumikada ng magkakasunod na three-point shots upang lumayo ang Gin Kings sa third quarter.
Noong Miyerkoles ay rumatsada na naman ng tatlong sunud-sunod na three-pointers si Yeo buhat sa kaliwang bahagi ng court upang iwanan ng Gin Kings ang Barako Bull sa fourth quarter.
Si Yeo ang naparangalan bilang Best Player ng dalawang larong iyon.
At bunga ng mga panalong iyon ay umakyat sa solo second place ang Barangay Ginebra sa record na 5-1 sa likod ng nangungunang Alaska Milk (5-0)
Ang Barangay Ginebra ang ikaapat na koponan ni Yeo sa PBA. Nagsimula siya sa Sta. Lucia Realty bago nalipat sa San Miguel Beer. Noong nakaraang taon ay na-trade siya sa Ar 21. Pero kaakibat ng trade na iyon ang isang clause na sakaling ite-trade siyang muli ng Air 21 ay kailangang ialok o ipamigay siya sa isa sa mga San Miguel Corporation teams.
Kaya naman nang maibenta ang prangkisa ng Air 21 sa NLEX, hindi umubrang mapunta si Yeo sa bagong may-ari. Kinailangang i-trade siya sa Barangay Ginebra.
Hindi lang si Yeo ang suwerte sa usaping iyon. Suwerte rin ang Ginebra.
Kasi nakakuha ito ng mas batang manlalaro na puwedeng maging team leader sa simula ngayon hanggang sa ilang seasons pa.
At iyan ay kitang-kita nga sa performance ni Yeo sa umpisa ng Philippine Cup.
Baka dito na sa kampo ng gin Kinngs tuluyangmamukadkad ang kanyang career!
ni Sabrina Pascua