NAGSADYA ako sa Eastern Samar at Leyte sa loob ng tatlong araw (Nobyembre 6-8) para matasa ang pinsala ng Climate Change sa dalawang lalawigan. Pagkaraan ng kalahating siglo, nakatuntong din ako sa Guiuan, ang bayang sinilangan ng aking ina na si Antonia Dimaangay. Nagsadya rin ako sa lugar ng aking mga kamag-anak sa Borongan, Salcedo at Hernani. Nasaksihan ko ang mabilis na pagbangon ng Borongan, Guiuan at Salcedo pero medyo napag-iwa-nan ang Hernani.
Marami akong nakausap sa Eastern Samar at nagpapasalamat sila sa ayuda ng gobyerno, national government organizations (NGOs) at international agencies para sa kanilang rehabilitasyon. Hindi totoong napabayaan sila, masyado lang malakas ang daluyong na sinuong nila sanhi ng super Typhooon Yolanda kaya napakalaki ng pinsala sa mamamayan. Bagamat maraming namatay, sa Hernani ay mas binilang nila ang “ang nabuhay” dahil halos nalalos ang buhay, kabuhayan at impraestruktura sa naturang bayan.
Napuntahan ko rin ang Ormoc at Tacloban sa Leyte at nagtataka ako kay Mayor Alfred Romualdez kung bakit pagkaraan ng isang taon ay “paawa epek” pa rin ang estilo niya para banatan ang pamahalaang PNoy. Mismong si Leyte Gov. Leopoldo Dopminico Petilla ang nagsabing wala silang sama ng loob hindi man nagpunta sa Tacloban si PNoy pero dahil may misis na dating aktres, tila inapi ng buong mundo ang mga pahayag sa media ni Romualdez.
Marami akong kinausap na karaniwang mamamayan sa Tacloban at gigil na sila sa sobrang drama ng kanilang alkalde. Ang totoo, hindi sila naniniwala sa arte ng kanilang alkalde na para sa kanila ay tila paaabutin pa sa susunod na eleksiyon. Ang kakatwa, may nakausap ako sa mga sumama sa protestang binansagan ni Romualdez na “People’s Surge” at paniwalaan-dili ay hindi sila taga-Tacloban kundi hinakot lamang ng mga bus mula sa iba’t ibang bayan ng Leyte. Ibig sabihin, may “bayad” sa demonstrasyong pinaputok ni Romualdez sa anibersaryo ng pagbayo ng bag-yong Yolanda.
‘Eto pa ang siste, may kinausap si Romualdez na kasangga ni PNoy at hiniling na makapag-advance mula sa Department of Budget and Management (DBM) ng isang quarter mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng Tacloban. Pumayag si PNoy at sa halip isang quarter ay isang semester o dalawang quarter ang ipagkakaloob sa Tacloban para mabilis na makaahon ang lungsod.
Pero biglang nagbago ng isip si Romualdez na minasama ang alok ng Malakanyang. Nagduda siya na baka makasuhan kung itutuloy ang request kaya hindi kinuha ang ina-advance na IRA. Tapos, biglang magdadrama na pinabayaan ng gobyernong PNoy ang Tacloban. Kung buhay lang ang showbiz columnist na Bulakenyong si Banong, isa lang ang sasabihin niya sa bulok na estilo ni Romualdez: “Titi mong may asin!’
Ariel Dim. Borlongan