HIHIRIT ng ikaanim na sunod na panalo ang nangungunang Alaska Milk laban sa nangungulelat na Blackwater Elite sa PBA Philippine Cup mamayang 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Kapwa magbabawi naman sa pagkatalo ang defending champion Purefoods Star at NLEX na magkikita sa ganap na 7 pm.
Ang Aces ni coach Alex Compton ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa torneo. Nagwagi sila kontra Purefoods (93-73), Talk N Text (100-98), Meralco (105-64), San Miguel Beer (66-63) at Kia Sorento (85-75).
Lubhang pinapaboran ang Alaska Milk kontra sa Blackwater Elite na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng panalo matapos na mabigo sa unang limang laro.
Pero kahit na llamado sila, sinabi ni Compton na hindi sila puwedeng magkompiyansa kontra Elite.
Sa kanilang huling laro kontra Sorento ay nagtala si Calvin Abueva ng 23 puntos at 21 rebounds.
Bukod sa kanya ay inaasahan din sina JVee Casio, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, rookie Chris Banchero at baong lipat na si Eric Menk.
Ang Purefoods Star ay tinambakan ng Barangay Ginebra, 89-66 noong Linggo. Ang Hotshots ay may iisang panalo sa apat na laro at ito ay kontra Globalport, 81-75.
Hindi na makakasama ng Purefoods si Ian Sangalang sa loob ng anim na buwan bunga ng punit na ACL. Sila ay pinamumunuan nina James Yap, Marc Pingris at Peter June Simon.
Ang NLEX ay galing naman sa back-to-back na kabiguan buhat sa Meralco (0-75) at San Miguel Beer (79-76) sa kanilang out-of-town game sa Lanao del Norte noong Sabado. Ang Road Warriors ay may 2-3 record.
Si NLEX coach Boyet Ferandez aysumasandig sa beteranong si Paul Asi Taulava na sinusuportahan nina Mark Cardona, Enrico Villanueva, Jonas Villanueva, Aldrech Ramos at Mark Borboran.
(SABRINA PASCUA)