PINAGBABARIL ng hindi nakilalang salarin hanggang mapatay ang isang 55-anyos tomboy na presidente ng isang transport group habang papauwi sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot nang buhay sa Alabang Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Dominga Vacal, alyas Mengie, soltera, pangulo ng Muntinlupa United Services Transport Association (MUSTA) at nakatira sa Block 6B, Lot 72, Ebony St., Ridgeview 2, Victoria Homes, Tunasan, Muntinlupa.
Ayon kay SPO1 Ronnie Tamondong, ng Muntinlupa Police Criminal Investigation Section, dakong 11 p.m. nang maganap ang pananambang kay Vacal malapit sa gate ng kanyang bahay.
Bago ang insidente, galing si Vacal sa Festival Mall sa Alabang at inihatid siya ng driver na si Edward Canlas, lulan ng van. Ibinaba siya ng driver at iniwan pagdating sa Ebony St., kanto ng Lauan St., at naglakad ang biktima patungo sa kanilang bahay.
Sa pahayag sa pulisya ng kapitbahay na si Elizabeth Leal, panay ang tahol ng kanilang aso kaya siya lumabas para mag-usisa ngunit nakitang duguang nakabulagta ang biktima pero wala siyang narinig na putok ng baril.
Ayon kay SPO1 Tamondong, isa sa iniimbestigahan nilang anggulo ng motibo ng pagpaslang kay Vacal ay posibleng may kinalaman sa kalakaran ng pangangasiwa niya sa asosasyon na ang terminal ay nasa mall ng Filinvest.
Manny Alcala