Ito ang sigaw ng isang grupo ng kakabaihan na Coalition of Women against corruptions (CoWAC) nang lumusob sa harap ng Korte Suprema upang kondenahin ang mabagal na pagdedesisyon ng Kataastaasang Hukuman sa disqualification case na isinampa laban sa napatalsik na pangulo at convicted plunderer na si Manila Mayor Joseph Estrada.
Ang grupo ng CoWAC ay pawang mga nakasuot ng orange na belo, at nakamaskara ng mga mukha nina Estrada, Manila City Assistant Administrator Wryan Te at SC Spokesman Atty. Thedore Te, habang ang isa ay may maskara ng mukha ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, habang nagluluto sa harap ng malaking kawa.
Ayon kay CoWAC National Chairperson Susing Dela Cruz, ang kanilang programa ay bilang pagkondena sa animo’y ‘luto’ na pagkilos ng Korte Suprema makaraan nilang patulugin na parang mantika ang disqualification case ni Estrada sa kanilang mesa.
Nababahala rin ang grupo ng mga kababaihan na baka mauwi sa ‘luto’ ang desisyon ng Korte Suprema, dahil sa ngayon isa sa mga tauhan ni Estrada sa Manila City hall ang anak ni Supreme Court Spokesman Atty. Thedore Te na si Manila City Assistant Administrator Wryan Te.
“Paano namin masasabi na patas ang magiging hatol ng Korte Suprema, gayong ang anak ng tagapagsalita ng SC ay nagtratrabaho kay Erap?”
“Kung si Te ay nakikinabang na kay Estrada, baka naman nakikinabang na rin ang Korte Suprema?” pagtatanong pa ni Dela Cruz.
Kinondena rin ng CoWAC ang mabagal na pagtugon ni Chief Justice Sereno na lalong nagpapalalim sa kanilang duda na baka may usapan kung kaya inabot ng ilang taon ang kaso sa kanilang mesa.
“Sana hindi totoo, sana hindi nababayaran ang ating Chief Justice. Naniniwala pa rin kami sa Hustisya na paiiralin ng Korte Suprema. Kaya kami narito sa harap ng Supreme Court kasi baka natutulog lang sila at kailangan nilang gumising,” saad ni Dela Cruz.
Ang grupo ng CoWAC ay ilan lamang sa dumaraming mga grupo na nanawagan sa Korte Suprema na desisyonan na ang disqualification case ni Estrada.
Una nang umaapela sa Korte Suprema ang mga grupo ng Kaisa sa Mabuting Pamamahala (KMP) at ang Koalisyon ng Kabataan Kontra Korapsyon (KKK). Sumama na rin sa panawagan ang grupo ng mga abogado na Hukuman ng Mamamayan Movement, Inc. (HMMI) na nagtirik pa ng kandila sa harap ng Kataastaasang Hukuman.
Bong Son