ISINIWALAT ng ilang senador na nag-iimbestiga kay Vice President Jejomar Binay, ang mga banta sa kanilang buhay habang patuloy ang imbestigasyon ng Senado laban sa mga isyu ng korupsyon na kinasasangkutan ng bise presidente.
Ayon sa tanggapan ni Sen. Alan Peter Cayetano, isang tawag ang natanggap ng staff ng senador dakong 5 p.m. kamakalawa mula sa hindi nagpakilalang caller at nagbantang isang bala lang ang senador kung hindi tatahimik.
“Pakisabi kay Senator Alan, isang bala lang siya ‘pag ‘di sya nanahimik,” ayon daw sa tumawag sa telepono.
Agad ipinagbigay-alam ng tanggapan ng senador sa Senate Sgt at Arms at sa pulisya ang pangyayari.
Tumanggi muna si Cayetano na sabihin kung sino ang pinaghihinalaan niyang nasa likod ng mga banta sa kanyang buhay.
Una na ring sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na dalawang bagay lamang ang posibleng mangyari sa kanya sakaling manalo bilang Pangulo ng bansa si Vice President Binay.
Kung hindi raw siya ipakukulong ay ipapapatay siya ng bise presidente sa tindi ng kanyang mga pagsisikap na imbestigahan ang mga katiwalian ni Binay.
“Baka ipakulong ako, ipapatay po ako nito,” ani Trillanes.
Gayonman, hindi raw matitinag ang mga senador sa kanilang imbestigasyon, katunayan ayon kay Trillanes, sa dami ng mga isyu na kinasasangkutan ng bise presidente ay maaaring aabutin pa ang hanggang sa Mayo ng susunod na taon ang kanilang imbestigasyon.
Niño Aclan