BACOLOD CITY – Inoobserbahan sa isang pagamutan sa lungsod ng Bacolod ang isang sanggol na isinilang na walang ari sa lungsod ng Cadiz sa lalawigan ng Negros Occidental.
Napag-alaman mula sa lola ng sanggol na si Teresa Batubatan, residente ng Sitio Kaisdaan, Brgy. Daga, Cadiz City, ini-refer sa pagamutan sa lungsod ng Bacolod ang kanyang apo at isinailalim sa eksaminasyon.
Lumalabas aniya na wala talagang ari ang paslit batay sa resulta ng X-ray at CT scan sa sanggol.
Dahil dito, nilagyan ng hose ang sanggol upang may madaanan ang ihi.
Ayon sa lola, ipinanganak na malusog ang sanggol noong Nobyembre 1, 2014 sa Cadiz Emergency Clinic.
Ang sanggol aniya ay may scrotum, isang basehan na lalaki ang kasarian ng sanggol ngunit walang penis.
Ang sanggol ang panganay na anak ng 21-anyos na si Roseta Batubatan Timos ng Cadiz City, at ng kanyang mister.
Patuloy pang inoobserbahan ang sanggol at pinag-aaralan ng mga doktor ang gagawing operasyon para sa kanya.
Ngunit maaari lamang isailalim sa surgery kung mag-iisang taong gulang na ang sanggol.