SINOPLA ni Senate blue ribbon sub-committee chairman Koko Pimentel si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa hiling na tapusin na o huwag gawing tingi-tingi ang imbestigasyon sa sinasabing mga katiwaliang kinasasangkutan ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Pimentel, hindi dapat pakialaman ng Pangulo ang legislative investigation lalo na ng Senate blue ribbon committee.
Paliwanag ng senador, mapanganib para sa hinaharap kung pagbibigyan nila ang hiling ng Pangulo Aquino.
Paano aniya kung dumating ang pagkakataon na mayroon ding cabinet secretary na iniimbestigahan ang Senado, makikialam din ba ang Pangulo kung ano dapat gawin ng Senado at atasan na bilisan o tapusin ang imbestigasyon?
Binigyang diin ni Pimentel na co-equal ang lehislatibo at ehekutibo at hindi pwedeng magdiktahan sa isat-isa.
Dagdag pa ni Pimentel, nag-iimbestiga rin ang Department of Justice (DoJ) kay Binay, at ito aniya ang pwedeng diktahan mg Pangulo na bilisan ang proseso dahil nasa ilalim ng executive department ang ahensya.
Niño Aclan