NAGBIGAY ng kaunting detalye ang Manila International Airport Authority (MIAA) ukol sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 2015.
Ayon kay MIAA General Manager Jose Honrado, bagama’t bahagi siya ng executive committee na mamamahala sa pagbisita ng Santo Papa, maliit lamang ang magiging partisipasyon dito ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hindi aniya dadaan ang Santo Papa sa NAIA sabay kompirmang sa Villamor Airbase lalapag ang eroplano.
Bukod dito, tumangging magbigay ng iba pang detalye si Honrado.
TF Phantom binuo ng MMDA
NAGBUO ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng “Task Force Phantom”para sa nakatakdang pagbisita sa bansa sa Enero 2015 ni Pope Francis.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, tinawag itong ”Task Force Phantom” at itatalaga sa mga lugar na pupuntahan ng Santo Papa.
Kabilang sa mga bumubuo ng komiteng itinatag ng Malacañang ang MMDA upang mangasiwa ng paghahanda sa pagdating ng Santo Papa sa Enero 15 hanggang 19.
Ayon sa MMDA Chief, tutukan ng Task Force Phantom ang pagdating ng Santo Papa sa airport hanggang sa pinal na destinasyon.
Inaayos na rin ng MMDA ang traffic management plan para sa naturang pagbisita, partikular dito ang rutang dadaanan ng Santo Papa.
Una rito, sinabi ng MMDA na tukoy na nila ang mga rutang tatahakin at dadaanan ng Santo Papa ngunit hindi pa ito maaaring isapubliko para sa kapakanan ng seguridad.
Kabilang sa kanilang paghahanda ang matiyak na ang lahat ng dadaanan ng Santo Papa ay malinis at walang mga sagabal.
Jaja Garcia