peaNAKABALIK na sa bansa ang mahigit 100 Filipino peacekeepers na nanggaling sa Liberia, isa sa mga bansang may malalang kaso ng Ebola virus.
Miyerkoles ng hapon lumapag sa Villamor Airbase ang sinakyang Russian chartered plane ng mga peacekeeper.
Pagkalapag ng eroplano, sumalang sa thermal scanner ang mga peacekeeper saka isinakay ng bus.
Ika-quarantine muna sila ng 21-araw para masigurong hindi sila nahawa ng Ebola.
Hindi sila nagawang lapitan ng kani-kanilang pamilya na nagtiyaga na lamang sa panonood sa kanilang pagdating sa widescreen television sa second floor ng museo ng Philippine Air Force.
Nakaayuda sa Villamor Airbase ang ilang mga tauhan ng Department of Health upang ipaliwanag sa mga kaanak na hindi pa nila maaaring makasama ang mga kakauwing peacekeeper kahit nag-negatibo na sila sa screening na isinagawa sa Liberia ng mga kinatawan ng United Nations (UN).
Ayon kay Lt. Col. Enrico Canaya, spokesman ng Philippine Air Force (PAF), sa Sangley Point sa Cavite muna dadalhin ang mga peacekeeper saka doon isasakay sa barko ng Philippine Navy papuntang Caballo Island na sakop ng Naic, Cavite.
Bilang pag-iingat, naka-protective gear ang driver ng bus.