POSIBLENG matukoy na ang mga suspek sa pagdukot at pagmolestiya sa dalawang estudyante at isang transgender, dahil hawak na ng task force na binuo ng Southern Police District Office (SPDO), ang CCTV footage sa naganap na mga insidente sa Makati City.
Bukod dito, may ilang posibleng lead na rin ang pulisya kaugnay sa serye nang pagdukot at panghahalay.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, magsasagawa ng case conference ang ilang PNP officials na kinabibilangan nina SPD Officer-In-Charge, Chief Supt. Henry Ranola Jr., at Sr. Supt. Ernesto Barlam, ng Makati City Women’s and Children Protection Desk ngayong araw (Nobyembre 13).
Darating din sa naturang case conference si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Carmelo Valmoria.
Ito ay upang talakayin ang update ng kaso ng mga biktima kabilang ang 14-anyos dalagita at 21-anyos estudyante.
Habang nanawagan ang pulisya sa biktimang transgender na magtungo sa himpilan ng pulisya sa Makati City upang magsampa ng reklamo sa mga dumukot at humalay sa kanya.
Matatandaan, nag-alok si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ng halagang P200,000 bilang pabuya sa sino mang makapagtuturo sa mga suspek.
Jaja Garcia