MALAKING hadlang ba sa Philippine Long Distance Telephone (PLDT) ang katunggaling kompanya nito na Bayantel?
Sa tingin natin ay hindi naman siguro dahil masasabing higanteng kompanya na ang PLDT.
Pero kung hindi hadlang sa PLDT ang Bayantel, ano itong sinasabing…totoo nga bang pinipigilan ng PLDT ang planong pagtulungan ng Globe Telecom at Bayantel? Nagtatanong lang rin po tayo.
Tanong ito ng marami dahil hinaharang daw na matuloy ang acquisition at rehabilitation plan ng Ayala controlled telco na Globe sa naghihingalong Bayantel.
Hayun, humirit nga raw ang PLDT ng temporary restraining order (TRO) sa Court of Appeals para pigilin ang National Telecommunications Commission sa pagdinig at pag-apruba ng transaksiyon na magbibigay sana ng pag-asang ma-upgrade ang mga pasilidad at serbisyo ng Bayantel para muling sumigla ang pagtangkilik ng telephone users.
At ang hirit sa korte ay agad pinagbigyan. Hanep, lakas ha!
Nais tulungan ng Globe ang Bayantel dahil nalulugi ito at umaabot na ang pagkakautang sa 400 milyong dolyares. Ganun ba? Oo kaya nga raw planong isalba ng Globe, bilihan man o sosyohan.
Pero hayun umalma ang PLDT kaya humingi sila ng TRO sa Korte.
Bakit, bawal ba sa batas na isalba ang isang naghihingalong telecom company? Well, hindi naman siguro pero ewan kung ano ang dahilan. Negosyo iyan!
Pero kung subcribers siguro ang tatanungin, aba’y siyempre nais nilang ma-upgrade ang Bayantel para sa magandang serbisyo sa mababang presyo.
Ngayon sa nangyayaring awayan ng dalawang kompanya, kawawa ang mga ordinaryong parokyano — oo mga subscriber ang naiipit habang ang Bayantel naman ay nagigipit.
Kaya dapat maging patas ang mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ang NTC at maging ng mga hukuman, para sa kapakanan ng consumers o publiko at ang sinasabi ng mga negosyante na kanilang mga karapatan sa ilalim ng mga umiiral na batas.
Siyempre para sa nakararami ay mahalaga pa rin ang isang malayang merkado o free market sa lahat na klase ng produkto at serbisyo para may mapagpipilian ang mamimili.
Sa serbisyo ng telekomunikasyon, hindi dapat hayaan ng gobyerno ang PLDT gamit ang katuwirang ayon sa RA 7925 ay hindi patas o bawal ang bilihan o merger ng isang naluluging telco at ng Globe…at sa halip ay pahalagahan ang kapakanan ng libo-libong empleyadong matutubos ng nasabing Globe-Bayantel deal, maging ang daan-daang libong parokyano nito na mapagkakalooban ng lalong pinagandang serbisyo.
Teka hindi ba binili na ng PLDT ang Digitel…isinalba dahil nalulugi? O ano pang iniaangal ng PLDT sa plano ng Globe? Akala ko ba bawal ang pag-salvage sa isang naluluging telcom?
Almar Danguilan