ITATAYA ng Cafe France at Jumbo Plastic ang kanilang malinis na record sa kanilang pagtutuos sa 2014-15 PBA D-League Aspirants Cup mamayang 2 pm sa Ynares Arena sa Pasig City.
Ang magwawagi sa kanilang salpukan ay makakasosyo ng Hapee Fresh Fighters (3-0) sa unang puwesto.
Tutugisin din ng Cagayan Valley Rising Suns ang ikatlong sunod na panalo laban sa Cebuana Lhuillier sa 4 pm main game.
Sa unang laro sa ganap na 12 ng tanghali ay magbabalik buhat sa one-game suspension si head coach Lawrence Chongson upang igiya ang Tanduay Light kontra Breadstory-Lyceum.
Dalawang bagong koponan ang tinalo ng Cafe France. Dinurog nito ang MP Hotel at ang Racal Mottors (67-56).
Kaya naman ang Jumbo Plastic ay itinuturing na unang matinding pagsubok ng tropa ni coach Edgar Macaraya na naniniwalang nagsisimula na maging consistent ang kanyang mga bata.
Sinimulan naman ng Jumbo Plastic ni coach Stevenson Tiu ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 79-72 panalo laban sa Breadstory-LPU bago naungusan ang pinapaborang Cebuana Lhuillier, 63-61.
Kabilang sa mga inaasahan ni Macaraya sina Mon Abundo, Jamison Cortes, Yutien Andrada at Fil-Am Maverick Ahanmishi.
Makakaduwelo nila sina Mark Cruz, Maclean Sabelina, Joseph Terso, Jaymo Eguilos, Janus Lozada at Jan Julius Colina.
Ang Cagayan Valley Rising Suns ni coach Alvin Pua ay nagwagi kontra MJM M-Builders (94-86) bago naungusan ang Breadstory-LPU (97-84).
Bago naman natalo sa Jumbo Plastic, ang Cebuana Lhuillier ay nanalo laban sa Racal Motors (89-70).
ni Sabrina Pascua