WALA kaming ini-expect sa pelikulang Relaks, It’s Just Pag-Ibig dahil nga pawang bagito ang mga bidang sina Inigo Pascual, Sofia Andres, at Julian Estrada na sinugalan ng Spring Films na idinirehe rin ng mga baguhang sina Antoinette Jadaone at Irene Villamor.
Pero revelation ang mga bagets dahil marunong pala silang umarte, huh!
May kakaibang appeal si Inigo lalo na kapag tumatawa kaya boy next door ang dating kaya malaking threat ang anak ni Piolo Pascual sa mga batang artista rin ng Star Magic.
Multi-talented si Inigo dahil bukod sa marunong umarte ay marunong ding kumanta na hindi ginagamot sa recording ang boses, marunong maggitara at alam namin ay nakasasayaw din siya at higit sa lahat, magaling magsalita, may self-confidence at marunong pumorma, parang nakasisira lang ang makapal niyang kilay.
Feel namin ang suplado look o angas ni Julian na nakuha niya sa tatay niyang si Senator Jinggoy Estrada at ang charm ng lolo niyang si Manila Mayor Joseph Estrada at kombinasyon naman ng lolo at tatay niya ang pag-arte niya.
Sakto naman si Sofia sa papel niya at bilang leading lady nina Inigo at Julian dahil fresh ang dating at maski na hindi masyadong maganda sa screen, hindi naman nakasasawa ang beauty niya. Okay ding umarte sa edad niya, hindi naman nag-effort na magkaroon ng acting award.
Kay Ericka tuwang-tuwa ang lahat ng nanood at the same time ay nabubuwisit at gusto siyang sabunutan dahil sa napaka-effective niya bilang clingy girlfriend ni Inigo na nuknukan ng arte at nakatutuwa ang kanyang kolehiyala English na feeling namin ay effective siyang komedyana.
Bagamat cameo role lang si Alessandra de Rosi ay markado naman at grabe, ang galing-galing talaga niya, I’m sure minani lang niya ang mga eksena.
Si Piolo pala si Elias na gumawa ng liham para kay Salome na napulot naman ni Sofia noong nakaraang taon na gusto niyang makilala kaya siya nakarating ng Leyte.
Pang-bagets ang Relaks, It’s Just Pag-Ibig kaya hindi na namin ito hahanapan ng mabigat na istorya at acting dahil pawang baguhan lahat mula sa production staff at mga artista kaya keri na at marahil ito rin ang nagustuhan ng Cinema Evaluation Board dahil binigyan nila ng rated A ang pelikula ng Spring Films.
ni Reggee Bonoan