MUKHANG natamemeng lahat ang miyembro ng minorya sa Senado.
Kung gaano kasi kaingay ang kanilang mga kaibayo sa mayorya kagaya nina Senador Alan Cayetano at Antonio Trillanes ay nakabibinging katahimikan naman ang isinusukli ng opposition senators kagaya nina Senador Tito Sotto, Gringo Honasan at JV Ejercito.
Sa history ng politika sa bansa at maging sa ibayong dagat ay oposisyon ang palagiang maingay pero sa itinatakbo ng pangyayari sa kasalukuyan ay kakaiba ito dahil ang mga kapanalig ni PNoy na puno rin naman ng katiwalian sa katawan ay siya ngayong namamayagpag lalo na sa usaping ng pagpapapogi sa tao.
Pumasok tuloy ngayon sa aking isipan kung gaano katapang at katatag itong miyembro ng oposisyon sa bansa katulad na lamang ni Sotto na nagmistulang pipi at bingi na sa mga pangyayaring nagaganap ngayon sa Senado at maging sa itinatakbo ng politika sa estado.
Mas pinili pa ni Sotto na mag-host at mag -concentrate na lamang sa Eat Bulaga kaysa katawanin ang oposisyon gayong isa siya sa inaasahan ng naturang hanay dahil isa siyang beteranong mambabatas at may tahid na sa politika.
Takot kaya ang nanaig sa mga miyembro ng minorya dahil kitang-kita naman ang ginawa ng kasalukuyang liderato sa mga kalaban nilang sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Vice Pres. Jojo Binay?
Alam naman kasi na ng lahat kung gaano kabagsik ang Aquino administration sa paghihiganti at pagdidiin sa mga taong kumakalaban sa kanila at ito ang pinakamalaking factor kung bakit nagmistulang bahag na ang buntot ng ating minorya.
Sa maikling salita, natakot at nanigurong hindi sila mahohoyo dahil hindi rin naman lingid sa lahat na ang mga beteranong senador na sina Sotto at Honasan ay nagtamasa rin ng DAP at PDAP na pwedeng halukayin ng mga attack boys ng LP at Malakanyang.
Ganito na ang naging kalakaran ng politika sa bansa dahil kung noon ay biktima ang tatay ni PNoy na si Ninoy ng panggigipit ng mga Marcos ay mistulang ito ang nangyayari sa ngayon dahil pinatatahimik ang oposisyon dahil sa banta ng kulong at sangkatutak na kaso na alam naman ng lahat na may bahid politika.
Alvin Feliciano