ARESTADO ang pito katao kabilang ang apat estudyante at isang preparatory school teacher na tulak ng shabu sa Biñan, Laguna nitong Lunes ng hapon.
Sinalakay ng Laguna Police ang isang drug den na katapat lamang ng malaking eskwelahan.
Pagpasok sa bahay na ilang buwan nang minanmanan ng mga awtoridad, nadatnan ang anim lalaking gumagamit ng droga.
Agad inaresto ang mga suspek ang apat na unipormadong estudyante ng University of Perpetual Help na kinabibilangan ng dalawang third year Criminology student, isang Education student at isang Marine Transportation student.
Nadakip din ang isang Eric Garcia at Stephen Buenabora.
Hindi rin nagawang tumakas ng lolang may-ari ng bahay at itinuturong tulak ng droga na si Melody Fajardo.
Inamin niyang binebentahan ng droga ang mga estudyante at ginagawa rin pwestohan ang kanyang bahay na katapat lang ng paaralan.
Katwiran ng suspek, kailangan niyang kumita dahil wala siyang permanenteng trabaho.
Umeekstra lang aniya siya bilang assistant teacher ng mga estudyante sa preparatory school.
Narekober ng pulisya ang anim sachet ng shabu, marked money at mga paraphernalia.
Desmayado ang provincial director ng Laguna na si Sr. Supt. Florendo Saligao sa mga estudyante, lalo na sa criminology students.
Habang nangako ang unibersidad na magkakaroon ng imbestigasyon at ikokonsiderang isalang sa drug test ang kanilang mga estudyante.