MAGING ang Palasyo ay duda kung makababalik pa si Dr. Enrique Ona bilang kalihim ng Department of Health (DoH) makaraan ang isang buwan paghahanda sa paliwanag niya kaugnay sa sinasabing maanomalyang pagbili ng P800 milyong halaga ng pneumonia vaccine noong 2012.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang pananatili bilang DoH secretary ni Ona ay depende sa isusumite niyang report kay Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa isyu ng pneumonia vaccine purchase.
”It would depend on his answers to the questions propounded by the President. Let’s allow him a fair shake at that,” aniya.
Isang buwan aniya ang hininging palugit ni Ona kay Pangulong Aquino para ihanda ang nasabing ulat.
Kamakalawa ay inamin ni Justice Secretary Leila de Lima na inutusan siya ni Pangulong Aquino noong nakaraang Hunyo na imbestigahan ang ulat na may iregularidad sa pagbili ng DoH ng P180 milyong halaga ng Pneumococcal Conjugate Vaccine 10 (PCV 10) noong 2012, taliwas sa rekomendasyon ng National Center for Pharmaceutical Access and Management na PCV 13 ang bilhin na mas maraming tao ang mababakunahan.
Kasama rin, ani De Lima, sa iniimbestigahan bilang isa sa sabit sa anomalya si Assistant Secretary Eric Tayag.
Rose Novenario