Nagpahayag si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ng hindi mababagong pananagutan upang matiyak na mananatiling ligtas ang mga mamamayan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) mula sa terorismo at kriminalidad ng Abu Sayyaff Group (ASG).
“Nakalulungkot ang naganap sa Basilan. At mas ayaw po nating may mga sibilyang madamay sa ganoong uri ng pag-atake ng Abu Sayyaff,” ani Roxas kaugnay sa pagtambang ng ASG sa ilalim ni Radzmi Jannatul na kumitil sa buhay ng anim na sundalong nagpapatrolya sa Sitio Mompol, Barangay Libug sa Sumisip, Basilan kamakailan.
Nauna rito, kinondena ni ARMM Governor Mujiv Hataman ang karuwagan ng ASG at nagrekomenda ng “all-out offensive” laban sa mga grupong terorista sa pangunguna ng ASG.
“Hindi nagbubulag-bulagan ang DILG at ang Philippine National Police (PNP) sa ARMM. Magreretiro na sa Disyembre ang regional at provincial officers ng PNP at nakikipag-ugnayan tayo kay Gov. Hataman upang matiyak na ang bagong liderato ay episyente at epektibo laban sa kriminalidad,” diin ni Roxas.
May ilang buwan nang nagpapatupad ng reporma si Roxas sa PNP sa pamamagitan ng “specific, measurable, attainable, replicable and time-bound” o SMART, ang bagong hakbang ng pulisya sa pagkuha ng information communication technology at data analytics sa pagsisikap na labanan ang kriminalidad na makapagdudulot ng malinaw at pangmatagalang resulta.
Maganda ang naging resulta ng SMART sa National Capital Region (NCR) at inaasahang ipatutupad ito sa lahat ng rehiyon sa lalong madaling panahon.