INIREKLAMO ng National Bureau of Investigation sa Office of the Ombudsman ang hepe ng pulisya sa Region 2 at iba pang mga opisyal ng pulisya na inakusahan bilang protektor ng operasyon sa jueteng sa kanilang lugar.
Sa joint complaint affidavit, kasama sa mga inireklamo ng NBI sina Region 2 Police Director, Chief Supt. Miguel “Mike” Laurel; Chief Insp. Jonalyn Langkit, Chief Officer ng Legal Service Unit ng Region 2 Police; Inspector Ardee Tion, PO1 Jay Marc Ariola, PO1 Karl Wilfred Paragas, PO1 Roy Millo Vercida at PO1 Vincent Dan Gutierrez, pawang mga miyembro ng Regional Public Safety Batallion.
Ang mga nasabing pulis ay inirereklamo ng arbitrary detention, unlawful arrest, conduct unbecoming, dishonesty, paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling Law.
Kasama rin sa inireklamo si Lasam, Cagayan Councilor Isaac Agatep III na ipinagharap ng paglabag sa RA 9013 at PD 1602.
Nabatid na noong May 29, 2014, nagsagawa ng operasyon ang NBI laban sa jueteng sa Bayan ng Lasam at naaresto ang 13 indibidwal kasama ang itinuturong jueteng operator na si Isaac Agatep Jr., ama ni Councilor Agatep, at mga kabo o kubrador.
Batay sa salaysay ng NBI sa pangunguna ni Special Investigator Ferdinand Manuel, habang patungo sila sa Tanggapan ng NBI sa Tuguegarao City, hinarang sila ng mga pulis sa isang checkpoint sa Brgy. Magapit, Bayan ng Lallo at batay sa sinasabing utos ni Chief Supt. Laurel, pinigil silang makaalis hanggang sa sila ay disarmahan at isinalang sa inquest proceedings para sa kasong kidnapping, robbery at grave coercion.
Ginamit anila ng mga pulis ang 13 naaresto ng NBI para gumawa ng affidavit laban sa kanila.
Gayonman, ibinasura ng piskalya ang kaso laban sa mga tauhan ng NBI makaraan makombinsing lehitimo ang kanilang operasyon, habang ang reklamong inihain ng NBI laban sa mga naaresto sa jueteng operation ay iniutos na isampa sa korte.
Nang dahil sa nangyari, sinasabing malinaw na ginawa ng pulisya ang paghahain ng kaso laban sa NBI agents para lamang maprotektahan ang mga sangkot sa jueteng operation.
Ang pakikialam anila ni Councilor Agatep para maprotektahan ang kanyang ama na inaakusahang jueteng operator ay malinaw din na paglabag sa batas at pangongonsinti sa pamamayagpag ng illegal numbers game sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, hiniling ng NBI sa Ombudsman na mapatawan ang mga respondent ng preventive suspension habang iniimbestigahan ang reklamo para hindi maapektuhan ang imbestigasyon sa kaso.
Leonard Basilio