ni Ed de Leon
NOONG isang araw, binigyan ng isang pribadong samahan ng award si Daniel Padilladahil sa ginawa niyang pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda, kasabay ng paggunita natin sa isang taon makalipas ang nasabing bagyo, na siyang nagdulot sa bansa ng pinakamalaking pinsala.
Okey din si Daniel, na nagsabing gusto lang niyang makatulong at hindi niya inisip na isang araw may magbibigay sa kanya ng award para roon.
Isa lang si Daniel sa napakaraming mga artistang mabilis na tumulong para sa mga biktima ng bagyong Yolanda noon. Ang isang nasabi nga naming nagsikap nang husto noon ay ang aktres na si Angel Locsin. Hindi lamang siya tumulong bilang artista. Tumulong siya bilang volunteer ng Philippine Red Cross. Isipin ninyo si Angel mismo, makikita mong nakasalampak ng upo sa lapag at nagbabalot ng mga relief goods na minamadali ng Red Cross na maibigay sa mga biktima ng bagyo. Noon kasing pagkatapos na pagkatapos ng bagyo wala namang ibang inaasahan ang mga biktima kundi ang Red Cross at ang mga samahan sa media. Iyong galing sa gobyerno late na nang dumating. Lumalabas pa ngang mas marami ang hindi nakarating at nabulok lang hindi ba?
Hindi pa nagkasya si Angel doon sa pagiging volunteer lamang. Mayroon pa siyang isang vintage car, na binili niya dahil gusto niya talaga. Pero maging iyon ay ibinigay niya para maipagbili para makadagdag sa perang panggastos para sa mga biktima ng Yolanda. At sinisiguro ni Angel na makararating iyon sa mga biktima.
Ganoon din naman ang ginawa ng Hataw. Hindi ba noong sinasabing wala pang nakakapasok na mga relief goods para sa mga biktima, gamit pati ang sasakyan ngHataw para maihatid doon mismo ang mga relief goods na mula sa aming diyaryo? Kasi kung ibibigay mo lang sa kung anong ahensiya, ano ang kasiguruhan mong makararating iyon at hindi mapapalitan? Marami tayong natuklasang anomalya at natutuhang leksiyon diyan sa Yolanda. Ngayon dapat mas alam na natin kung paaano tayo tutulong.
Kaya doon sa mga nagsasabing ”magaling kang magsinungaling, puwede kang artista”, sana mag-isip naman muna sila kung ano ang nagagawa ng mga artista at kung ano ang nagagawa nila.