PINAYOHAN ni Senador Antonio Trillanes IV si Vice President Jejomar Binay na umatras na lamang sa pagtakbo bilang pangulo sa 2016 Presidential election.
Ito ay kasunod ng pag-atras ng bise presidente sa nakatakda nilang debate.
“Sana for the sake of the country, sana umatras siya. Itigil na niya itong panloloko niya at pagpapanggap niya sa taumbayan,” giit ng senador.
Sakali aniyang ituloy pa rin ni Binay ang pagkandidato, “Sana makita n’ung mga kababayan natin kung ano ‘yung tunay na pagkatao ni Vice President Binay. Sana ‘wag na tayo magpaloko.”
Niño Aclan
Walang isang salita
WALANG isang salita. Ito ang naging tugon ni Senador Antonio Trillanes IV sa pag-atras ni Vice President Jejomar Binay sa kanilang November 27 debate.
Makaraan ang anunsiyo ni Binay, agad sinabi ng senador na patunay lamang ang pag-atras na hindi mapagkakatiwalaan ang bise-presidente.
Hindi aniya ito ang unang pagkakataong napatunayan niyang walang isang salita at “nagtatapang-tapangan” lang si Binay.
Pagsariwa niya, sa Manila Peninsula siege taon 2007 kung kailan tinangkang pabagsakin ng pangkat ni Trillanes ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, kasama aniya noon sa pagpaplano si Binay.
“Kumasa siya. … Itong si Vice President Binay, sabi niya, ‘sige kasama ako d’yan, du’n natin gawin sa (sic), sa city hall magsisimula ang mga empleyado niya marami ho siyang sinasabi pero nu’ng nangyari na ho ang insidente, kung maalala n’yo, kami lang po ang nandodoon, wala po si Vice President Binay. Isinubo ang buong grupo dya’an sa insidenteng ‘yan.”
Wala aniya sa Makati noon si dating Mayor Jejomar Binay at nagtatago sa Quezon City.
Panawagan sa Senado lahat ng ebidensiya vs Binay ilabas — PNoy
NANAWAGAN kagabi si Pangulong Benigno Aquino lll sa liderato ng Senado na ilabas na ang lahat ng ebidensiya para makompleto na ang isinasagawang imbestigas-yon sa mga umano’y katiwalian ni Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ng Pangulo sa Philippine media delegation sa APEC Summit sa Beijing, China, mas gusto niya na hindi gawin patingi-tingi ang paglalabas ng ebidensiya laban kay Binay upang matapos na ang Senate probe.
Nais aniya ng Pangulo na matutukan na ng Senado ang kanilang trabaho.
Wika ng Pangulo, ini-rerespeto niya ang kapangyarihan ng Senado ngunit mas mabuti raw kung ilabas na ang lahat ng ebidensiya kaysa pautay-utay na paghahanap nito sa ginagawang paggisa sa bise presidente sa Senate inquiry ng sub- committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.
Magugunitang noong nakaraang buwan ay nakipag-usap si Binay kay Aquino sa Bahay Pangarap at nakiusap kung pwedeng ipatigil ng pa-ngulo sa kanyang kaal-yado sa Senado ang imbestigasyon laban sa kanya.
Inamin ni Senate President Franklin Drilon kahapon na tinawagan siya ng Pangulo at inihayag ang hirit ni Binay sa kanya.
Umalis kagabi ang Pangulo sa Beijing, China upang dumalo sa ASEAN summit sa Nay Pyi Taw sa Myanmar.
Rose Novenario