Kinalap ni Tracy Cabrera
NAKAMIT ng Filipinas ang bagong world record para sa pinakamaraming punong naipunla sa loob ng isang oras, sa bilang na 3.2 milyong seedling na itinanim bilang bahagi ng national forestation programme.
Hindi man opisyal na nasertipikahan ito ng Guinness World Records, nagpahayag ng kumpiyansa ang mga opisyal ng pamahalaan na masusungkit ng bansa ang nasabing pandaigdigang tala na babasag sa dating record na 1.9 milyong punong itinanim sa India noong Agosto 15, 2011.
Ang mga puno ay ipinunla sa anim na magkakaibang bahagi sa katimugang Filipinas sa Mindanao ng hukbo ng 160,000 katao na kabilang ang mga empleyado ng pamahalaan, estudyante at volunteer.
Ayon kay regional environment director Marc Fragada, ang opisyal na bilang ay aabot sa 3.2 milyong puno sa loob lamang ng isang oras.
Kabilang sa mga punong itinanim ay magkakahalong forest varieties at gayon din ang mga commercial crop tulad ng cacao, kape at rubber trees.
“Pinili ang mga ito sa pag-asang pangangalagaan ng mga lokal na residente dahil magiging bahagi ang mga punong itinanim sa kanilang kabuhayan,” punto ni Fragada. Ang orihinal na target ng mga organizer ay 4.6 milyon puno ngunit batay sa naging bilang sapat pa rin ito na maungusan ang natalang record sa India, ani Environment Undersecretary Demetrio Ignacio.