SUSULONG ng piyesa si super grandmaster Wesley So sa dalawang malakas na major tournaments kung saan ay dala na nito ang bandila ng Amerika.
Lumipat na si So sa United States Chess Federation (USCF) halos dalawang linggo na ang nakararaan at dahil dito bandila na ng US ang nakabandera sa mesa ng kanyang paglalaruan, isa na rito ang Pan-American Inter-Collegiate Chess Championships na gaganapin sa South Padre Island, US Disyembre 27-30.
Nakalinya rin sa sasalihan ni So ang pinakamalakas na tournament na lalabanan niya sapul nang maglaro ito sa international competition ang 77th Tata Steel Chess Championship sa kaagahan ng Enero 9-25, 2015 sa Wijk aan Zee, Netherlands.
Ang 21 anyos na si So ay lumabas ang kanyang pangalan na Amerika na ang dala sa listahan ng November FIDE rating.
Sa Pan-American, ibabandera si So sa board 1 ng two-time champion Webster University-A sa event na tatagal ng apat na araw.
Makakaharap nina So ang ibang matitikas na universities and colleges sa buong US.
Kasama ni So sa Webster-A sina GMs Le Quang Liem ng Vietnam, Georg Meier ng Germany at Ray Robson ng United States habang reserve si FM Carlos Banawa ng Pilipinas.
Ang Team Webster ay ginagabayan ni five-time women’s world champion at SPICE founder GM Susan Polgar at FM Paul Truong.
Pagkatapos ng Pan-American, susulong si So sa Wijk ann Zee para lahukan ang Tata Steel isa sa pinakaimportanteng events sa chess calendar.
Sina World champion GM Magnus Carlsen ng Norway at defending champion GM Levon Aronian ng Armenia ang mga nangunguna sa listahan sa event na may category-20 tournament.
Ang ibang kalahok ay sina GMs Fabiano Caruana ng Italy, Anish Giri ng Netherlands, Maxime Vachier-Lagrave ng France, Liren Ding ng China, Vassily Ivanchuk ng Ukraine, Teimour Radjabov ng Azerbaijan, Ivan Saric ng Croatia, Hou Yifan ng China ar Loek Van Wely host country. (ARABELA PRINCESS DAWA)