ni Ed de Leon
MARAMING kuwento si Mommy Elaine Cuneta. Kaya noong araw, basta napapasyal kami sa bahay nila, kahit na hindi namin abutan ang megastar na si Sharon Cuneta, tiyak na may kuwento dahil naroroon si Mommy Elaine.
Minsan, siya pa mismo ang nagungumbida at sasabihin niya pasyalan naman siya sa kanyang make shift office noon sa Pasay City General Hospital, na madalas din siya roon dahil noon ay iyong mga mahihirap na may sakit ang madalas niyang pagkaabalahan.
Sanay makiharap sa mga tao si Mommy Elaine. Bakit nga ba hindi eh professional singer iyan noong araw talaga at natawa nga kami noong isang araw, hindi namin nalaman iyon, naging artista pa pala siya sa pelikulang Bondying noong 1954. Iyon yata ang hindi niya naikuwento sa amin. Ikinuwento na yatang lahat ni Mommy Elaine ang kanyang naging buhay, pero nakalimutan niyang sabihin na gumawa rin pala siya ng pelikula.
Bukod sa pag-aasikaso kay Mayor at sa kanyang mga anak, na personal niyang ginagawa dahil ipinagmamalaki nga niya, magaling siyang magluto. Masyadong involved si Mommy Elaine sa mga may sakit at sa mga relief operation basta may mga bagyo noon. Hindi pa ganyan kalala ang mga bagyo, hindi pa naman nangyayari sa Pasay iyong malaking kalamidad talaga, pero basta may baha, hindi pa bumababa ang baha naroroon na si Mommy Elaine mismo sa lugar na may problema at nagbibigay na ng tulong.
May nakatutuwa pa kaming anecdote tungkol kay Mommy Elaine. Minsan papunta siya sa City Hall para dalawin si Mayor doon. Eh ang tindi raw ng traffic talaga. Bumaba si Mommy Elaine sa kanyang sasakyan, tumayo sa kanto at siya mismo ang nag-direct ng traffic. Ang nagkuwento naman sa amin niyan ay isang kaibigan naming pulis sa Pasay at sabi pa nga niya, “iba talaga iyang si mestiza”. Iyon ang tawag nila kay Mommy Elaine noon, “mestiza”.
At matapang iyang si Mommy Elaine. Minsan habang nagdaraan siya, may nakita siyang isang pulis na obviously kinokotongan ang isang jeepney driver, bumaba rin siya sa sasakyan niya at inaway niya iyong pulis. Kaya noong panahong iyon, sinasabi nga nila na si Mommy Elaine ang “idol ng mga mahihirap sa Pasay”.
Minsan nasabi niya sa amin, puntahan daw namin siya roon sa ospital, nang makita namin kung paano ang sitwasyon doon. Mayroon kasi siyang make shift office roon sa ospital. Doon nakapila ang mas maraming taong humihingi ng tulong. Kasi pupunta sila sa ospital, tapos wala naman silang pambili ng gamot, si Mommy Elaine na ang sasagot niyon. Hindi siya magbibigay ng pera, pero may mga runner siya na magpupunta agad doon sa isang kalapit na botika para bilhin ang gamot na kailangan.
Minsan sabi nga niya, nagulat siya dahil malaki na pala ang utang niya sa botika. Nangyayari rin kasi na minsang nagpapa-utos siya sa botika kahit wala na siyang pera. Utang na lang dahil alam naman ng botika na sa kanya iyon at babayaran naman niya.
Maraming ginagawa si Mommy Elaine noon. Siguro kung sasabihin mong busy ang anak niyang si Sharon sa kanyang career. Kung sasabihin mo ring busy si Mayor sa City Hall, aba eh busy din naman si Mommy Elaine sa napakaraming trabahong may kaugnayan sa kanyang asawa’t anak. Kung sabihin nga niya noon, “ito ang role natin eh, nanay ni Sharon at asawa ni Mayor”.
Yumao na si Mommy Elaine. Nakaburol siya sa Sanctuario de San Antonio sa Mac Kinley Road sa Makati. Roon din sa simbahang iyon sila nagpakasal ni Mayor noong 1993.