KUNG sakaling matuloy na ang integrasyon ng P550 international passenger service charge (IPSC) na naka-TRO pa ngayon, o mas kilala sa tawag na terminal fee, sa pasahe sa eroplano, e mawawalan ng trabaho ang hindi kukulangin sa 100 contractual employees ng LBP.
Sila ‘yung LBP agency contractual employees na nakakontrata sa Manila International Airport Authority (MIAA) para sa paniningil ng terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pero dahil isinama na sa airfare ang terminal fee, hindi na kailangan ang hiwalay na booth o kahera para rito. At d’yan naisakripisyo ang LBP employees.
Maraming LBP employees ang umiiyak ngayon dahil alam nila na anytime ay masisibak na sila sa kanilang trabaho sa airport. Karamihan sa kanila ay more than 20 years na rin na naglingkod sa NAIA.
Napakasakit at napakalungkot na kung kailan magpa-Pasko ay saka pa sila mawawalan ng trabaho.
Ang tanong lang natin, may alternatibong solusyon ba ang MIAA management para sa LBP employees na mawawalan ng trabaho?
O maidaragdag sila sa listahan ng mga jobless o walang trabaho sa ilalim ng ‘Daang Matuwid’ ni PNoy!?