NAKATATAKOT at mapanganib na mailuklok sa Palasyo si Vice President Jejomar Binay bilang kapalit ni Pangulong Benigno Aquino.
Ito ang katuwiran ni Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ (CBCP) National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (NASSA), kaya ayaw niyang suportahan ang “PNoy resign” na panawagan ng ilang grupo dahil sa mabagal daw na pag-ayuda ng gobyerno sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Si Gariguez ang kasama ni Manila Auxilliary Bishop Broderick Pabillo na humarap kay Binay nang magpunta sa tanggapan ng CBCP kamakailan.
Tahasang sinabi ni Gariguez na hindi kapani-paniwala ang mga paliwanag ni Binay at ang pangitain pa lang na magiging Pangulo ng Pilipinas ay nakapanghihilakbot na.
Sabi niya, kung si Binay ang ipapalit kay PNoy, mararanasan ng bansa ang pinagsanib na pamamahala nina Joseph Estrada at Imeldefic ng mga Marcos kaya’t nakatatakot talaga ito.
Isipin nga naman na pagsamahin ang karakter nina Erap at mga Marcos na kinilala bilang dalawa sa pinakasukdulang lider-mandarambong sa buong mundo, masahol pa sa delubyo ng giyera ang aabutin ng Pilipinas.
Mindoro sinagip ni Gariguez sa mga kuko ni Atienza
KAYA pala laglag ang balikat ni Binay at hindi nagbigay ng pahayag nang lumabas sa tanggapan ng CBCP.
Obvious na nabigo siyang kombinsihin ang mga pari sa kanyang paliwanag sa nabulgar na ill-gotten wealth at mga anomalya sa Makati City.
Si Gariguez ay kilala na marunong manindigan at hindi ikinokompromiso ang kanyang adbokasiya sa mga politiko.
Kaya naman ginawaran siya ng Goldman Environmental Prize noong 2012 para sa pagliligtas sa kalikasan ng isla ng Mindoro at pamumuno sa organisasyong lumaban sa large-scale nickel mining para bigyang proteksiyon ang biodiversity at katutubo ng lalawigan.
Kasama niyang nabigyan ng Golden Environmental Foundation award sina Sofia Gatica ng Argentina, Ma Jun ng China, Ikal Angelei ng Kenya, Evgenia Chirikova ng Russia at Caroline Cannon ng US.
Pinangunahan ni Gariguez ang paglaban sa masamang plano ni dating Environment Secretary at ngayo’y Buhay Party-list Rep. Lito Atienza noong 2009 na ‘burahin’ sa mapa ng Pilipinas ang isla ng Mindoro.
Sa kasagsagan ng bagyong Ondoy, sumalisi na tila magnanakaw si Atienza at buong pusong ipinagkaloob ang environmental compliance certificate (ECC) sa Intex Resources Corp., isang Norwegian company, para ‘gahasain’ ang kalikasan ng Sablayan sa pamamagitan ng pagmimina.
Ang kontrobersiyal na proyekto na inaprubahan ni Atienza ay sumasakop sa 11,216.6 ektarya at inaasahang may makukuhang 100 hanggang 120 milyong tonelada ng nickel sa loob ng 20 taon.
Ani Gariguez, inisyu ng tanggapan ni Atienza ang ECC sa kabila nang kawalan ng “social license” na magmumula naman sa lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro.
Ang ‘maka-demonyong’ plano ni Atienza ay binigo ng mga taga-Mindoro at ginamit na armas laban sa kanya ang resolusyon ng lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng 25 taon na pagbabawal sa malakihang pagmimina saanmang bahagi ng Mindoro Oriental, kasama ang resolusyon ng konseho ng munisipalidad ng Sablayan na kumokontra sa proyekto ng Intex.
Umabot sa rurok ang kilos-protesta noon kontra sa nasabing proyekto sa inilunsad na 11-araw na hunger strike sa harap ng tanggapan ng DENR at ‘mock funeral protest.’
Kaya napukaw ang atensyon ng international community at napilitan ang DENR na bawiin ang ECC permit ng Intex at ipatigil ang lahat ng mining activities.
Bunga nito, nagbitiw ang chief executive officer ng Intex nang tumalikod ang major funders, kabilang si Goldman Sachs, at hindi naipagbili ang proyekto sa halagang $2.4 bilyon noong 2010.
Ganyan katindi kung ipaglaban ni Gariguez ang kanyang paninindigan, at alam ni Binay na hindi lulusot sa pari ang kanyang mga maniobra.
PIERCING SHOTS. . .
IMPOSTOR SI TIU – Ang subasta ng mga kontrata at supplies sa Makati City Hall ay tinatawag na “BIDDING-BIDINGAN.”
Kung gano’n, si Antonio Tiu naman na dummy at umakong may-ari ng mga property sa Rosario, Batangas ay “BINAY-BINAYAN!”
***
FANS NI BINAY – Noranians ang tawag sa fans ni Nora Aunor, habang Vilmanians naman ang kay Gov. Vilma Santos.
Ang mga tagahanga naman ni Binay, tulad nina Prof. Ramon Casiple, Dean Ranhilio ng San Beda at Atty. Levito Baligod, ay BINAYaran!
Percy Lapid